Saturday, April 16, 2005

Ang Pasimula: ASIM MULA sa PAtis

Ang pahayagang ito ay tatalakay sa mga paksa hinggil sa ating pagka-Pilipino at magbibigay ng panibagong pagkakakilanlan upang magkaroon ng bago at magandang perspektibo tungkol sa ating lahi at maitayo ang bandilang minsan nang bumagsak dahil sa mababang turing ng ating mga banyagang mananakop at mga kababayan na rin nating minsan nang humalik sa puwit ng mga manlulupig.

Naniniwala ang pahayagang ito sa pamamaraan ng pakikipaglaban ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Protacio Rizal. Sa pamamagitan ng kanyang panulat, na mas higit pa sa espada, nabago niya ang takbo ng ating lipunan at napalaya ang ating bansa mula sa kamay ng mga malulupit na Kastila. (Subukan mong tusukin ang panulat mo sa aorta ng kaaway mo, tiyak ang kanyang katapusan!)

Nawa'y ang mga artikulo sa pahayagang ito ay tulad ng kapeng gigising sa ating kamalayan, hindi dahil sa taglay nitong caffeine, kungdi dahil sa init nito na, kapag 'di sinasadyang naitapon sa iyong katawan, ay lalapnos sa iyong kayumangging balat; dahilan upang ikaw ay magising... na nasa ospital pagkatapos himatayin.